MANILA, Philippines — Apat na Pinay spikers ang magtatangkang dalhin ang kanilang talento sa international stage sa paglahok sa 2024-25 Korean V-League (KOVO) Asian Quota Draft.
Nangunguna na sa listahan si two-time UAAP best opposite spiker at reigning UAAP Finals MVP Alyssa Solomon ng National University.
Naglalaro sa kanyang final playing year si Solomon kasama ang defending champions Lady Bulldogs sa ginaganap na UAAP Season 87 women’s volleyball tournament.
Nauna nang kinumpirma ni Solomon na may plano na ito matapos ang kanyang UAAP career kung saan agad itong sasabak sa international stage kung papalarin itong makuha.
Usap-usapan na sa social media na maraming interesadong teams sa South Korea para makuha ang serbisyo ng 6-foot-2 opposite spiker.
Kaya naman hindi malabong matupad ni Solomon ang pangarap nitong maging import ng isang international team tulad ni Jaja Santiago na naglalaro sa Japan V.League.
Makakasama ni Solomon sa draft sina dating Choco Mucho middle blocker Maddie Madayag, PLDT middle blocker Majoy Baron at Choco Mucho playmaker Mars Alba.
Hindi na bago si Madayag sa international stage dahil kasalukuyan itong import ng Kurobe Aqua Fairies sa Japan V.League.
Subalit madalang itong ipasok sa Aqua Fairies kaya’t nais nitong subukan ang kanyang kapalaran sa pagkakataong ito sa South Korea.
Sa kabilang banda, parehong naglalaro sina Baron at Alba sa ginaganap na PVL All-Filipino Conference kung saan magtutuos ang High Speed Hitters at Flying Titans sa best-of-three quarterfinals.
Gaganapin ang virtual draft ceremony sa Abril 11.