Topacio, naniniwalang kapos sa suporta ang local movies


Kimberly Vedad — Pilipino Star Ngayon

August 24, 2025 | 12:00am

Hindi nawawalan ng pag-asa ang movie producer na si Atty. Ferdie Topacio.

At tanggap niya na iba na ang sistema ng panonood ng pelikula sa kasalukuyan.

Pero para sa kanya, iba pa rin ang karanasan sa sinehan. “Para sa akin, iba ‘yung expe­rience sa movie house. Malaki, larger than life. At tsaka may kasama ka, may kakilala kang kasama mo, may mga hindi ka kakilala.

“‘Pag nakakatawa, magtatawanan kayong sama-sama. ‘Pag nakakaiyak, iyakan kayo. ‘Pag nakakatakot, sigawan kayong sama-sama. At tsaka ‘yung sasadyain mo, ‘yung galing ka sa bahay, magbibihis ka, sasakay ka ng sasakyan, pupunta ka roon, bibili ka ng ticket, bibili ka ng popcorn, o ‘yun. At nandoon ka sa madilim, hihintayin mong panoorin,” katwiran ng kontrobersyal na abogado na priority pa rin ang paggawa ng pelikula.

At kasama sa iprinoduce niya, ang Spring in Prague na ipalalabas sa Nov. 30.

Pag-amin niya, pangarap talaga niya ang pagpo-produce ng pelikula.

“Pangarap ko talaga na sabi ko, bago ako mamatay makagawa man lang ng isang pelikula. Pangatlo ko na actually ito (Spring in Prague), and pakonti-konti lang naman hindi naman kailangan marami kasi at least nandiyan ‘yan. It’s my legacy habang buhay nandiyan ang mga pelikula ko,” dagdag niya nang makausap siya ng ilang entertainment writers sa Kamuning Bakery kamakailan.

Samantala, naniniwala siya na dapat institutionalized na ang paggawa ng pelikula para mag-level up ang lahat ng pelikula partikular na ang mga maliliit na producer.

“Dapat parang ‘yung ginawa sa South Korea. Nag-legislate ng incentives para ‘pag nag-level up, naging international release ay may tax incentive. Ang South Korean cinema dati napakasama puro introspective kasi unang-una ang market nila napakaliit. They’re like, wala pa silang 30 million people, nahati ‘yung Peninsula nila. So they had to import their movies para maraming manood.

“Anong ginawa ng gobyerno? Swerte sila, meron silang legislator na parang FPJ nila. Nakausap ko eh, nung nasa South Korea ako. Yumaman siya sa pelikula. He wanted to give back to the industry.

“Nakalimutan ko ‘yung pangalan eh. Meron siyang hotel. After niyang magpelikula, nag-real estate siya, naging bilyonaryo siya. Pumasok siya sa parliament. Nag-spearhead siya ng enactment ng law na nagbibigay ng incentives sa lahat ng kumpanya na kapag gumawa ka ng pelikula marami kang tax breaks. Ang nung late 1990s o early 2000, nagkaroon ng isang movie called Shiri (action spy film), world class ang budget etc. Doon nakilala ang Korean cinema sa buong mundo. And from then on ayun na, nagkaroon na ng K-pop, nagkaroon na ng K-drama.

“Ang laki, bilyun-bilyon ang pinapasok ng industry nila sa economy ng South Korea,” pagbibigay niya ng impormasyon.

“Our government has to remember ang showbiz hindi lang entertainment ‘yan. It’s an industry na pwedeng pagkakitaan ng ating pamahalaan, ng ating mga tao para umunlad tayo. Kasi ang nangyayari dito, may Star Cinema. Hindi lang Star Cinema, malalaking studio. Nagkaroon ng isang hit like Hello, Love, Goodbye or Hello, Love, Again. Bilyon ang kinita.

“Pero hindi po tinatangkilik nang massive, internationally. Kumita sa abroad kung saan maraming Pilipino. Pero I don’t think may nanood na mga foreigner.

“Hindi po ako nag-appeal sa mga foreigner. Bakit? ‘Yung Hello, Love, Goodbye maganda eh. ‘Yung Hello, Love, Again parang pinilit na lang na may sequel.

Kathryn Bernardo at Alden Richards

“May star power kasi nandun si Alden (Richards), nandun si Kathryn (Bernardo). Papanoorin ng mga Pilipino. Kaya kumita siya roon sa lugar na may mga Pilipino. Pero hindi kumita kung saan walang Pilipino.

“Hindi katulad ng Parasite (Korean movie). Kumita sa Hollywood kasi kahit hindi ka Koreano papanoorin mo kasi maganda ‘yung pelikula, hindi lang ‘yung artista. Universal ang kuwento,” obserbasyon niya sa kulang na aspeto sa pelikulang Tagalog kaya’t hindi siya umaangat bilang international level.