September 17, 2025 | 12:00am
“Huwag n’yo muna kami pagbayarin!” hirit ni Vice Ganda sa gobyerno nitong Lunes (Setyembre 15) sa usapin ng buwis sa harap ng nabunyag na malawakang korapsyon.
Susog pa ni Vice sa It’s Showtime noong Lunes: “Sana may TAX HOLIDAY. Kasi ninanakaw n’yo e. Kung talagang mahal ng mga nasa gobyerno ang mga Pilipino, maglambing naman kayo pinanakaw niyo ang pera namin e, ‘wag niyo muna kami pagbayarin. Hangga’t ‘di naaayos.
“Hindi puwedeng ninakaw n’yo ‘yung tax namin tapos magbabayad pa din kami. Ibalik n’yo muna yung ninakaw niyo samin ‘di ba?”
Na may punto naman.
Nag-repost din siya ng isang art card na nakalagay ay “When corrupt politicians start going to jail, then we can start trusting the government again.”
Pero sa totoo lang, ang tagal nang inaapela ng tax holiday sa movie industry, years ago pa pero wala namang nangyayari.
Pulos mga press release lang.
Kung sana ay ipinantulong na lang ‘yung mga kinulimbat ng mga pulitiko sa pelikulang Tagalog baka pang-Oscars na ang quality ng pelikula natin.
Samantala, pinaaga ni Vice ang Pasko sa isang contestant sa It’s Showtime matapos niya itong regaluhan ng plane ticket para makabisita sa kanyang pamilya sa Davao pagkatapos ng 15 years.
Si Ondo, isang houseboy na nagtatrabaho sa Las Piñas, ay kabilang sa mga kalahok sa segment na Laro Laro Pick ng noontime show noong Lunes din.
Nakakaiyak nga naman, wala siyang maibili ng plane ticket dahil aniya kalahati ng kanyang buwanang suweldo ang inilaan para suportahan ang kanyang tatlong nakababatang kapatid na nakatira sa Davao at walang trabaho habang ang kalahati ay para suportahan ang kanyang sarili.
At ‘yun daw ang Christmas wish niya, ang makauwi.
Mabilis ang sagot ni Vice na siya na ang bahala.
Grabe, ang sakit sa dibdib ng mga kuwento ng ating mga kababayan habang ang mga pulitiko pala, bumibili ng mga property worth billions na galing sa buwis ng mga Pilipino.
