Vice, tatanggap ng donasyon para sa mga nilindol! Request ng followers…


SHOW-MY — Salve V. Asis — Pilipino Star Ngayon

October 4, 2025 | 12:00am

Tinanggap ni Vice Ganda ang hiling ng followers niya na pagkatiwalaan ng mga donasyon para sa mga nilindol sa Cebu.

Ayon kasi sa isa niyang followers, handa siyang tumulong, pero nakakasiguro ba siyang mapupunta sa mga nawasak ng lindol ang mga ibibigay nilang tulong?

Ayon sa X user na si @SZudee: “Hi, Vice! Getting old in the Philippines is full of uncertainties. Tama ang sabi mo, tayo tayo na lang ang matutulungan. I am personally willing to help. But I wanted to give it through you. Ikaw lang at ang @angatbuhay_ph ang pinagkakatiwalaan ko sa bansang ito.”

Sinagot ‘yun ng Unkabogable star: “Nakakaiyak. I will humbly accept your help for the Madlang People. Malaking bagay yan. Di po namin tatanggihan. I will DM you for details. Makakaasa kang mapupunta sa malinis na kamay ang tulong mo. Maraming salamat!”

Habang sinusulat namin ito ay wala pang binibigay na detalye si Vice kung paano at saan pwedeng ipadala ang tulong ng kanyang fans para sa mga nangangailangang Cebuano.

Anyway, meron ding followers na nagma-manifest na sana ay bumuo ng It’s Showtime Foundation si Vice at mga kasama niya sa noontime show na aayuda sa mga nangangailangan.

Sa kanila raw, tiyak na makakarating ang ibibigay na tulong ng madlang pipol.

Nauna nang nag-post si Vice ng komento sa isang contestant nilang lola.

“Habang tinititigan ko ang mukha ni Lola Shirley napapaisip ako. Safe pa bang tumanda sa Pilipinas? May sapat bang pagmamahal at proteksyon na ibinibigay ang gobyerno sa mga matatanda dito sa Pilipinas?  #Showtime.”

Ang daming sumagot na hindi dahil sa rami nga naman ng tax na binabayaran ay kinukurakot lang ng marami nating pulitiko kaya nganga ang mga kawawang Pinoy.

Ang isang sumagot ay may punto talaga: “Hindi Safe! Kawawa! Example Yung bahay na buong buhay mong pinagtrabahuhan para mabayaran ng buo, pag nag retire ka makikihati pa yung Real Property Tax sa Pension na makukuha mo! May bill na na sinubmit about that but apparently till now hindi pa maipasabatas batas. Haaaayyyy.”

Sa totoo lang sobra talagang dami nang tax sa ating bansa.

Naalala ko ang concert ng Coldplay sa Pilipinas.

Halos P50,000 ang Ultimate Spheres Experience ticket.

Kaya may isa akong kakilala na sa abroad nanood. Sa Taipei. Kuwento niya, mas mura pa dahil nakabili siya ng seat sale na plane ticket, may VIP ticket na siya sa concert at may hotel accommodation na sa nasabing halaga.

Higit sa lahat, naka-abroad pa siya.

Isa pang example, ‘yung airfare sa Siargao mas mahal pa kesa bumiyahe ka sa Bangkok, Thailand.

Nagugulat lang sila kung ba’t mga senador lang daw eh marami rin daw sa Congress na ganun.

Kaya nga parang fact checking na raw ang Diyos sa mga tulong niya sa Pilipinas.

Dahil sa sunud-sunod na pag-ulan nagkakaroon ng matitinding pagbaha na dahilan kung bakit nadiskubre ang mga ghost project at substandard na mga proyekto ng flood control sa buong Pilipinas.

Kahapon, grabe ang baha sa Mountain Province at iba pang lugar dahil sa bagyong Opong.

Kaya talagang fact checking na nga siguro ang Diyos.