August 27, 2025 | 12:00am
Tinanghal ang Cayetano in Action with Boy Abunda (CIA with BA) bilang Best Public Affairs Program sa katatapos na Star Awards for Television ng Philippine Movie Press Club (PMPC).
Sunud-sunod nga ang parangal na natatanggap ng public affairs program.
Ang 37th awards na para sana sa 2023 ay naantala dahil sa pandemya at tuluyan ngang naganap nitong Aug. 24, 2025, ilang buwan matapos gawin ang 38th PMPC Awards noong Marso.
Anyway, hosts ng (CIA with BA) sina Senador Alan Peter Cayetano, Senadora Pia Cayetano at Boy Abunda na kinilala rin bilang Best Public Affairs Program Hosts.
Mabilis na nakatanggap ng pagkilala ang programa kahit kakasimula lang nito noong 2023.
Nasa ika-11 season na ito ngayon, itinutuloy ng CIA with BA ang pamana ng yumaong Senador na si Rene Cayetano, ama ng magkapatid na Cayetano, na nagpasimula ng programang Compañero y Compañera noong dekada 1990 hanggang 2000s para magbigay-gabay sa mga Pilipino tungkol sa mga usaping legal.
Sa isang Facebook Live, nagpasalamat si Senador Alan sa mga tumatangkilik sa programa.
“We try to keep things entertaining, but more importantly, we make sure the show really helps people solve their problems. That’s what matters most,” aniya.
“Thank you po for supporting Cayetano in Action with Boy Abunda. I hope nakakatulong [ang programa.] And remember, we have to learn together,” dagdag niya.
Sa kanyang acceptance speech para sa 37th Star Awards, nagpasalamat din si Kuya Boy sa mga manonood at ibinahagi ang kahalagahan ng programa para sa kanya.
“Pumupunta po ako sa mga tapings, handa para matuto. And I realized that doing this show has made me a student for the rest of my life. Ang dami-dami po ang natututunan… It’s the excitement about doing something uncertain. Going into that space that you’re not sure of. That continues to excite all of us,” pahayag pa ni Abunda.
Mapapanood ang Cayetano in Action with Boy Abunda tuwing Linggo, 11:00 ng gabi sa GMA 7. Available rin ang episodes sa opisyal na YouTube channel ng GMA.
