Nakiusap ang aming reliable source na huwag munang sabihin kung sino itong movie & TV personality na ikukuwento ko.
Huwag daw banggitin kung direktor, artista, writer, talent manager, film producer, etc.
Basta kilala siyang bading na showbiz personality dahil sa sunud-sunod na projects na ginagawa niya.
Pinag-uusapan kasi siya ng mga guwapong artista dahil sa sobrang galante nito.
Kung makapamili raw ito ng sapatos ay walo hanggang sampung pares.
Kapag natutuwa siya kay guwapong aktor, give niya agad ng isang pares na sapatos.
Hindi siya basta-bastang sapatos kundi branded.
Karamihan naman kasi sa mga kalalakihan ay sapatos talaga ang weakness, kaya natutuwa sila rito kay bading na showbiz personality kapag naaambunan sila ng bagong pares na sapatos.
May iba raw tumatanggi, dahil alam nila kung ano ang kasunod. Yayayaing mag-dinner o papupuntahin sa bahay niya at ‘yun na!
Kaya naman niyang bumili dahil nga sa rami ng mga ginagawa niya. Pero ang latest daw ay nahatak ang bagong biling kotse nito dahil sa hindi na nababayaran.
Iyon tuloy ang pinag-uusapan ng boys tungkol sa kanya dahil sa sobrang galante niya at wagas kung mamigay ng bagong shoes, nabawi tuloy ang kotse. ‘Yun na!
Mga local film, pinagdadamutan ng mga sinehan?!
Hindi lang ang pelikulang Lasting Moments ang umatras ng showing dahil sa iilang sinehang naibibigay sa kanila.
Umurong na rin ng showing ang Beyond The Call of Duty ng Pinoyflix at ng film production ni Chavit Singson.
Pero nagpa-premiere night na rin sila noong Martes sa Gateway Cinema, na kasabay rin doon ang premiere night ng Wild Boys na sinulat at dinirek ni Carlos Morales.
Wala ring nakukuhang sinehan ang Wild Boys, na ipina-distribute pa nila sa Viva Films.
Gusto na rin ni direk Carlos na i-promote dahil proud siya sa pelikulang ito na pinagbidahan ng magkapatid na Aljur at Vin Abrenica. “‘Yung dalawang Abrenica brothers. I really don’t know na sobrang galing pala nilang sumayaw. So nagulat ako, magaling pala talaga silang sumayaw,” pakli ni direk Carlos Morales.
Binigyan ng MTRCB (Movie and Television Review and Classification Board) na R-13 rating itong Wild Boys dahil sa tema nito at may daring scenes ang iba pang male cast na sina Nico Locco, Martin Escudero, Kristof Garcia, Rash Flores, Arwind Santos, Jimboy Martin, Inday Garutay, Atak, at marami pa.
Balak pa ni direk Carlos Morales na buuing isang all-male group itong mga cast ng Wild Boys.
Mala-Magic Mike raw ang dating dahil na-train nila ng sing and dance ang mga male cast ng pelikula.
“Parang SB19, parang ganun. Parang magsalpukan sila dun sa dance floor, parang ganun. Magiging as Wild Boys group na sila na parang ganun.
“Meron na akong kausap na production. Pero ayoko munang ibanggit. Kasi ano pa e. Inaayos pa namin kung papano ‘yung management percentage parang ganun.
“Ako, creator lang ako. Pero hindi ako magma-manage. Binuo ko lang sila,” saad pa ng actor/director.
Dahil sa katabaan…JM, na-depress sa linlang!
Nainis pala si JM de Guzman sa seryeng Linlang na ginawa niya kasama sina Kim Chiu at Paulo Avelino.
Mataba raw kasi siya roon. Nag-agree nga siya sa mga komento ng netizens na natatabaan sa kanya. “Actually, hindi nga po ako happy dun sa performance ko sa Linlang e. Pero acting wise, parang feeling ko kaya ko pa,” pakli ni JM.
“Ang pakiramdam ko parang gusto ko na lang siyang matapos. Siguro na-depress ako kasi nga tumaba ako.
“‘Pag pinapanood ko, hindi katulad ng dati na parang oo… parang kaya ko pa ‘to ah. Hindi naman ako ganitong umarte ah,” dagdag niyang pahayag.
Pero ngayon ay happy raw siya sa ginagawa niyang serye na What Lies Beneath.
Medyo malusog din siya rito sa pelikula niyang Lasting Moments, pero bumagay naman sa role niya sa pelikulang ito.
Napakagaling niya na talagang nagbibigayan sila ng partner niya ritong si Sue Ramirez.
Thankful si JM dahil sunud-sunod ang mga ginagawa niya, kahit nasa healing process pa siya, pagkatapos niyang ma-rehab.
Malaking bagay ang suporta sa kanya ng girlfriend niyang si Donnalyn Bartolome. “Grabe siya magmahal. Sobra siyang… unconditional, hindi siya nagte-take. Hindi siya nag-e-expect ng take. Natuturuan niya ako kung paano magmahal nang tama,” saad ni JM de Guzman.