TiktoClock, bongga ang 3rd anniversary celebration


Tatlong beses ang saya, tatlong beses ang biyaya! Isang linggong punung-puno ng kasiyahan at sorpresa ang hatid ng TiktoClock sa pagdiriwang ng kanilang ikatlong anibersaryo.

Sinimulan kahapon (Hulyo 21) ang selebrasyon kasama ang mga espesyal na panauhin na sina Pinoy Big Brother’s Survivor Lad ng United Kingdom Josh Ford, content creator na si Boss Toyo, at Clashers na sina Vilmark, Juary Sabith, at Venus Pelobello.

Ngayon, Martes, asahan naman ang kilig at chemistry mula sa PBB Celebrity Collab Edition Big Winner duo na sina Brent Manalo at Mika Salamanca, o mas kilala bilang BreKa.

Sa Miyerkules, may handog na tawanan at sayawan sina Wacky Kiray at Sexbomb Girls Aifha at Izzy.

Hindi rin pahuhuli sa kulitan ngayong Huwebes ang mga taga-Bubble Gang na sina Cheska Fausto, Kokoy de Santos, at Betong Sumaya. Sa pagtatapos ng anniversary week, bibisita sa TiktoClock ang mga naggagwapuhang sina Anton Vinzon, Bruce Roeland, at Raheel Bhyria.

Bukod sa mga celebrity guest, tiyak na matutuwa ang studio audience dahil sa mas malalaking papremyo! Sa pamamagitan ng fiesta roleta, puwedeng ma-triple ang premyo ng mga mananalo sa fun and unique games!

Tuloy rin araw-araw ang paghahanap ng TiktoClock ng mga walang kapantay na talento sa “Tanghalan ng Kampeon,” kung saan mas napapalapit sila sa kanilang mga pangarap sa bawat panalo.

Mapapanood ang anniversary week hanggang Hulyo 25, Lunes hanggang Biyernes, 11:00 a.m. sa GMA-7 at Kapuso Stream.