Pokwang at Joross, nabiktima ng malalang fake news


SHOWBIZ GANERN! — Gorgy Rula — Pilipino Star Ngayon

August 27, 2025 | 12:00am

Hindi mapigilan ng ilang celebrities na patulan ang mga kumakalat na fake news lalo na ‘pag sila ang involved.

Madalas ay pinapatay ang ibang artista, pero ang iba naman ay parang kapani-paniwala ang ipino-post na balita, lalo na’t kung pinag-uusapan ito.

Kagaya nitong isang blog na naglabas ng pag-amin daw ni Maris Racal sa tunay na relasyon nila ni Daniel Padilla. Mga fan na mismo ang nag-react at ini-repost ito na may caption na “fake news.”

Kaya naman hindi na agad kumalat.

Ipinost naman ni Derek Ramsay ang isa sa art cards na kumalat din sa social media na sinasabing hiwalay na raw sila ni Ellen Adarna.

Galit siya sa post niyang ‘yun dahil hindi raw totoo.

Ilang entertainment press na malapit sa kanya ang nagtanong kung totoo ba ‘yun, pero pinagtawanan lang ito ng aktor.

May mga ibang naniwala dahil matagal ngang wala rito si Derek dahil nagte-training sa Indonesia. Pero kahapon ay nag-post siya ng anak nila ni Ellen at pauwi na ito.

Noong Lunes ng umaga ay binulaga kami ni Pokwang sa kanyang social media account na ini-repost ang isa pang post na binabawi na raw nito kay Pauleen Luna si Tali na anak nila ni Vic Sotto.

Halatang irita si Pokwang sa caption nito na, ““FAKE NEWS!!! Grabe na mga tao sa socmed mga wala kayong magawa makakarma din kayo sa mga ugali nyo! Never ko tinawag na Mam Pauleen si Poleng kaloka! Pero mas malala yung mga nag share at nanghusga agad!”

Nakakairita lang dahil pati inosenteng bata ay idinadamay para lang kumita itong mapagkalat ng fake news.

Hiningan ko na si Pauleen ng reaksyon tungkol dito, ayaw na niyang patulan. Mas mabuting dedma na lang daw.

Ang ka-PEP Troika naming si Noel Ferrer ay nagulat din sa ipinorward sa kanya na video na kagagaling lang daw ng alaga niyang si Joross Gamboa sa brain surgery, pagkatapos nitong ma-stroke.

Ang dami raw nag-message sa kanya, dahil akala nila totoo.

Unfair talaga sa mga artistang ginagawan ng mga ganung fake news.

Kaya nag-react ang iba para iparating sa lahat na huwag basta-bastang maniwala sa mga nakikita nila online. Lalo na ngayong ang dali na ring gumawa ng mga AI-generated video or photos. Kaya hindi lahat na nakikita niyo sa social media at YouTube posts ay totoo!

Julius, suko na sa bashers?!

Tinanggal na ni Julius Babao ang comment section niya sa Instagram.

Kamakalawa lang ay may emote siya tungkol sa mga tunay na kaibigang hindi bumitaw sa kanya.

Pinost nito ang quote card ni Walter Winchell na “A real friend is one who walks in when the rest of the world walks out.”

Ang sabi niya sa caption nito “Maraming Salamat sa pagmamahal at pag-unawa ng mga TUNAY na kaibigan! Ngayon alam ko na kung sino kayo. God Bless You All!”

Samantala, hindi naman personal na natanggap ni Korina Sanchez ang award nitong Best Magazine Show host mula sa 37th Star Awards for Television.

Ang staff niya ang tumanggap ng award at pinagdiinan nilang sa loob ng apat na dekada bilang isang mamamahayag ay napatunayan na raw ni Korina ang walang bahid dungis na pagbibigay ng kuwento sa mga programa nito kagaya ng Rated Korina.

Singing competition, patok pa rin

Ang bongga ng The Clash na malapit na ang finals, kaya lalo pang tumataas ang rating nito.

Nung nakaraang Linggo ay nag-double digit ito na naka-10.2 percent ito.

Kahit nga ang katapat na Idol Kids na kung saan ay namimili na sila ng pasok sa semi-finals ay okay rin ang ratings.

Gusto talaga ng mga manonood ang singing competition.

Okay rin ang viewing level noong Linggo, kahit single digit lang ang ibang programa, mataas pa rin siya.

Okay pa rin ang rating ng All-Out Sundays na 3.2 percent at ang katapat na ASAP Natin ‘To ay 2 percent.

Naka-3.4 percent ang Regal Studio Presents, at ang sumusunod na Resibo ay 3.6 percent. Ang taas din ng FPJ sa GMA na 5.3 percent.

Ewan ko kung naapektuhan ng isyu itong Rated Korina kaya 1.8 percent lang ito, at lalo pang tumaas ang Kapuso Mo, Jessica Soho.